Inihayag ng Department of Budget and Management (DBM) na nakapaglabas na sila ng ₱30.11 bilyong pondo para mabayaran ang health emergency allowance ng mga healthcare at non-healthcare workers para sa taong 2023.
Ito ay bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na ipagpatuloy ang pagbibigay ng nararapat na suporta para sa mga tinaguriang makabagong bayani, lalo na ang mga nasa health and medical field.
Binigyang-diin ni Budget Secretary Mina Pangandaman na sa ilalim ng administrasyong Marcos ay maibibigay nila sa mga healthcare at non-healthcare workers ang mga benepisyo at allowance na nakalaan para sa kanila.
Sinabi ng kalihim na parte ng commitment ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng financial support sa mga healthcare at non-healthcare workers lalo na’t nararapat lamang sila na bigyan ng suporta.
Ang ipinalabas na ₱30.11 bilyong pondo noong nakaraang taon ay iba pa sa ₱24.19 bilyong pondo na inilagak sa Department of Health (DOH) para sa parehong layunin noong 2022.
Para sa 2024 naman, nasa kabuuang ₱18.96 bilyon ang nakalaan sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act para mabayaran ang health emergency allowance claims ng mga pampubliko at pribadong healthcare and non-healthcare workers kung saan ang nasabing pondo ay maaari nang magamit epektibo noong January 1, 2024.
Kaya’t dahil dito, nasa ₱14.88 bilyon na lamang ang natitirang balanse mula sa kabuuang ₱88.14 bilyon na kinakailangang halaga para sa implementasyon ng programa.