Umaabot na sa 75% ang occupancy rate ng mga isolation facilities sa Metro Manila kasabay nang patuloy na pagdami ng kaso ng COVID -19.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Mark Villar na target nilang magdagdag pa ng quarantine facilities upang matugunan ang mga mild cases ng COVID-19.
Sa ngayon, bubuksan na aniya ang modular hospital sa Quezon Institute (QI) na mayroong 110 bed capacity para sa moderate at severe cases ng COVID-19.
Aniya may sarili ring quarters ang mga kumakalingang medical health workers sa modular hospital sa QI.
Sinabi pa ni Villar na nasa 3,000 hanggang 4,000 bed capacity ang plano nilang itayo hanggang sa susunod na buwan o kabuuang 23,000 bed capacity facility kung saan ang pokus nila sa pagtatayo ng bagong quarantine facility ay sa Metro Manila.
Paliwanag nito mabilis lang ang pagtatayo ng mga pasilidad at dahil modular aniya ito ay maaaring i-convert sa mga evacuation center sa mga susunod na panahon kung kaya’t hindi masasayang ang konstruksyon nito.