Umapela si House Majority Leader Manuel Jose Dalipe kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na huwag intrigahin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Panawagan ito ni Dalipe makaraang ihayag ni Duterte na mag-ingat sa AFP at PNP dahil nakikipagkuntsabahan ang mga ito sa House of Representatives sa aspetong pampulitika.
Diin ni Dalipe, ang nabanggit na statement mula sa dating pangulo ay magdudulot lamang ng pagkuwestyon sa propesyunalismo at pagiging neutral ng Sandatahang Lakas at Pambansang Pulisya.
Para kay Dalipe, ang mensahe ni former President Duterte ay hindi patas para sa mga opisyal at enlisted personnel ng AFP at PNP na nagtatrabaho upang maibalik ang kredibilidad at maitaas ang antas ng propersyunalismo sa kanilang hanay.
Paglilinaw ni Dalipe, malayo pa ang presidential elections kaya ang inaatupag ngayon ng liderato ng Mababang Kapulungan ay ang pagsasabatas ng mga panukalang makakatulong sa administrasyong Marcos para mapabuti ang kalagayan ng bansa.