Tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez na mananatiling nakatutok ang Mababang Kapulungan sa kanilang trabaho at hindi nila hahayaan na magtagumpay ang anumang tangkang destabilisasyon sa kanilang hanay.
Sabi ni Romualdez, patunay ang kanilang masigasig na pagtatrabaho ang pag-apruba nila sa huli at ikatlong pagbasa ng 29 sa 42 mga panukalang batas na kabilang legislative agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pahayag ito ni Romualdez kasunod ng balitang tinatangka umano ni dating pangulo at ngayon ay Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo na siya ay patalsikin na itinanggi naman ni Congresswoman Arroyo.
Giit ni Romualdez, dapat isantabi na ang pamumulitika na wala sa tamang panahon dahil ang mas dapat unahon at paglaanan ng atensyon ngayon ay ang mga tunay na problema ng karaniwang Pilipino.
Diin ni Romualdez, ang Uniteam, kung saan kaisa ang kasalukuyang House Leadership ay patuloy na magtutuon ng mas maraming oras sa ang paghahanap ng solusyon sa mga tunay na suliranin ng karaniwang Pilipino upang tayo ay sama-sama makabangon muli.