Maigting na pagsasanay at edukasyon ng mga guro, iginiit ng isang senador

Hiniling ni Committee on Basic Education Chairman Senator Sherwin Gatchalian, ang pangangailangan na magkaroon ng de kalidad na pagsasanay at edukasyon para sa mga guro sa bansa.

Bunsod na rin ito ng resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), kung saan mula 2018 hanggang 2022 ay tumaas ang porsyento ng mga mag-aaral na nasa mga paaralang kulang sa mga kwalipikadong mga guro.

Tinukoy ni Gatchalian na noong nakaraang taon, nasa 43% ng mga mag-aaral ang nasa mga paaralang kinapos ang kakayahang maghatid ng edukasyon dahil sa kakulangan ng mga guro habang 19% naman ng mga magaaral ang nasa mga paaralang may kakulangan sa kwalipikadong mga guro.


Malaki ang itinaas nito kung ikukumpara noong 2018 na nasa 19% at 8% pa lamang.

Dahil dito, nakaapekto ang kakulangan ng mga guro sa mababang puntos na nakuha ng mga estudyante sa Mathematics.

Hiniling ni Gatchalian na ipatupad na ang Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713), na layong iangat ang kalidad ng teacher education at training sa bansa.

Kumpyansa si Gatchalian, na sa ganitong paraan ay matitiyak ang pagbibigay ng angkop at de kalidad na edukasyon sa mga guro mula pre-service hanggang in-service.

Facebook Comments