Mga mangingisda sa WPS, pinabibigyan din ng sapat na kagamitan para maprotektahan laban sa China

Naniniwala si Senator Francis Tolentino na ‘strategy-wise’ ay makabubuting mabigyan ng kinakailangang kagamitan ang ating mga mangingisda sa West Philippine Sea (WPS).

Kaugnay na rin ito sa planong itaas pa ang budget ng ating security forces na nagbabantay sa ating teritoryo sa WPS.

Ayon kay Tolentino, mainam kung maisasama sa dagdag na budget ang pagbibigay ng maayos na kagamitan sa local fishermen sa WPS para sa kanilang pangingisda at kagamitan na magbibigay proteksyon din sa kanila.


Bukod dito, kinakailangan na ring itaas pa ng husto ang pondo ng ating Naval Forces at Air Force para sa pagpapalakas ng pwersa ng pagbabantay at pagprotekta sa ating teritoryo.

Iginiit pa ng senador na napapanahon na rin ang pagkakaroon ng Maritime Zone Law para mapaigting pa ang claim ng Pilipinas sa naturang territorial dispute.

Magiging malinaw sa batas na ito ang territorial sea, continental shelf, exclusive economic zone, seabed at iba pang nasasakupan ng bansa.

Maliban sa West Philippine Sea kasama rin sa Maritime Zone Law ang sakop na karagatan sa bahagi ng Pacific Ocean at ang Benham Rise.

Facebook Comments