Marawi City – Hindi matutuloy ngayong araw ang pagbabalik ng second batch ng mga residente sa tatlong barangay sa Marawi City sa Bacolod Chico, Lumbac A Toros at Tuca.
Ayon kay Col. Romeo Brawner, deputy commander ng Task Group Ranao, ito ay dahil, may mga sightings o may mga namataang armadong grupo sa naturang mga lugar ang mga membro ng Barangay Peacekeeping Action Team o BPAT.
Sinabi ni Brawner na kini-clear nila ngayon kung ang mga ito ay mga magnanakaw o mga naiwang stragglers ng mga terorista.
Nakatakda sanang bumalik sa kani-kanilang tahanan ang may humigit kumulang 900 na mga residente sa nasabing area na tinatawag na Polo area ng mga taga-Marawi.
Ang Polo area ay malapit sa Lake Lanao kung saan, ayon sa mga residente, dito namataan ang mga armadong lalaki na dumaong sakay ang mga Bangka, galing sa may bandang Butig, Lanao del Sur, noong isinagawa ang Johor o religious assembly ng Tabligh.
Mula sa iba’t-ibang bansa sa mundo ang naturang mga Tabligh na pinaniniwalaang may nakahalong foreign fighters.
Ayon kay Brawner, kung maki-clear na nila ngayong weekend ang tatlong barangay, sa Lunes, papayagan na nilang makabalik sa kanilang lugar ang mga residente.
Noong Oktubre a-29, bumalik ang unang grupo ng mga residente sa siyam na barangay na dineklarang ‘cleared’ ng military.
Ayon sa mga residente na ating mga napanayam, masaya sila sa kanilang pagbabalik.
Kahit may mga lugar na wala pang suplay ng tubig, may mga water bladder naman na nilagay ang International Committee on the Red Cross o ICRC para sa kanilang drinking water.
Ang Lanao del Sur Electric Cooperative o LASURECO naman ay patuloy sa kanilang pag-reconnect sa mga nasirang linya ng kuryente sa kasagsagan ng giyera.