2nd walkthrough para sa paghahanda sa Pista ng Nazareno, isinasagawa ngayong araw

Nagaganap ngayong araw ang pangalawang walkthrough bilang paghahanda sa paparating na Pista ng Nazareno sa January 9.

Sinimulan kaninang alas-sais ang walkthrough sa Quirino Grandstand at daraan sa mga ruta ng Traslacion.

Ito’y para muling tingnan ang mga obstruction sa mga daan at kung saan ligtas na ba ang mga kalsada para sa mga debotong lalahok sa nasabing andas.

Kasama ngayong araw para sa walkthrough na ito ang mga kapulisan mula sa Manila Police District (MPD), City Engineer ng lungsod ng Maynila, mga tauhan ng Department of Health (DOH), at ilan sa mga miyembro ng Hijos del Nazareno.

Ayon kay MPD PBGen. Thomas Ibay, isa sa kanilang tinitingnan ruta sa ngayon ay ang kalye ng Vergara kung saan may nakita silang obstruction dahil sa patuloy na construction doon.

Dagdag ni PBGen. Ibay na nakipag-ugnayan na sila sa mga ahensya tungkol sa mga obstruction na kanilang nakita noong unang walkthrough upang masiguro ang mas magandang daloy ng Traslacion.

Hindi aniya magbabawas ng tauhan mula sa kapulisan na ide-deploy para sa darating na Traslacion ang MPD sa kabila ng balitang mas kaunti ang lalahok sa darating na pista.

Facebook Comments