Nagkasa ng protesta at noise barrage ang grupong Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasiya (ABKD) sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.
Ito’y upang kanilang ipakita ang mariin pagtutol sa mga agresibong aksyon ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Hinihikayat ng grupo ang mga motorista na makiisa sa kanilang aktibidad at sumuporta sa ginagawa nilang hakbang para maipagtanggol ang West Philippine Sea.
Ayon kay RJ Villena, tagapagsalita ng grupong ABKD, nais nilang ipakita sa publiko na may mga katulad nila ang nasa likod at handang ipaglaban ang karapatan ng bansa sa pinag-aagawang teritoryo.
Giit pa ni Villena, hindi nila hangad ang kaguluhan kung ‘di kapayapaan kung saan kanilang ipinagsisigawan na Atin ang West Philippine Sea at nararapat lamang itong ipaglaban.
Ang kanilang aktibidad ay kasabay ng bisperas ng makasaysayang anibersaryo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration sa Hague, Netherlands kung saan ibinasura nag 9-dash line ng China walong taon na ang nakakalipas.