Kinokonsidera ng Philippine National Police (PNP) na dagdagan ang pabuya para sa ikadarakip ng puganteng si Kingdom of Jesus Christ Founder Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo, kanilang pag-aaralan ang paglalabas ng kanilang sariling reward dahil kailangan itong dumaan sa tamang proseso alinsunod sa auditing, budgetary rules at guidelines.
Ito aniya ay matapos na magkaroon ng positibong response ang unang inanunsyong ₱10-M pabuya ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr.
Ani Fajardo, iniulat ni Police Regional Office-Davao (PRO-11) Director Brig. Gen. Nicolas Torre III na maraming tumawag sa hotline para magbigay ng impormasyon hinggil sa lokasyon ni Quiboloy matapos ianunsyo ang nasabing pabuya.
Sinabi ni Fajardo na masusing bineberipika na ngayon ng PNP ang kanilang natanggap na impormasyon para masiguro na hindi ito bahagi ng pagtatanka ng mga supporters ni Quiboloy na iligaw lamang ang mga imbestigador.