Inihayag ni Marikina Representative Stella Quimbo na kasado na sa Miyerkules, February 28, ang pagdinig ng Kamara kaugnay sa mga panukalang umento sa sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Ayon kay Quimbo, ang pagdinig ay pangungunahan ng House Commitee on Labor and Employment na pinamumunuan ni Rizal 4th District Representative Fidel Nograles.
Kabilang sa tatalakayin sa pagdinig ang mga panukalang ₱150 at ₱750 na across-the-board increase sa salary rates ng mga manggagawa sa private sector.
Binanggit ni Quimbo na sa pagdinig ay inaasahang ipaliliwanag ng mga economic managers ang epekto ng wage hike sa isyu ng posibleng pagbagsak ng gross domestic product (GDP) gayundin sa pagtaas ng bilang ng mga walang trabaho at pagtaas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Binigyang diin ni Quimbo na sensitibo ang House of Representatives sa kalagayan ng ating mga manggagawa pero kanyang iginiit dapat pag-aralang mabuti ng epekto nito.