Paglikha ng national federation para sa Sangguniang Kabataan, pinaaaprubahan ng isang senador

Isinusulong ni Senator Sherwin Gatchalian, ang paglikha ng national federation para sa Sangguniang Kabataan (SK).

Ito ang ipinanawagan ng senador, kasunod na rin ng panawagan nito para sa malinis at mapayapang eleksyon ngayong araw.

Nakapaloob sa Senate Bill 1058 na inihain ni Gatchalian, na amyendahan ang Section 21 ng Sangguniang Kabataan (SK) Reform Act of 2015 (Republic Act No. 10742).


Tinukoy ni Gatchalian, na walang pambansang organisasyon na naitatag para sa SK sa ilalim ng naturang batas upang paigtingin ang kanilang papel sa pagsasaayos ng bansa.

Sa ilalim ng panukalang batas, itatatag ang Nasyonal na Pederasyon ng Sangguniang Kabataan na bubuuin ng mga pangulo ng Panlalawigang Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan.

Sa lalawigan ito ay bubuuhin ng mga convenor ng mga Pambayan at Panlungsod na Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan, sa munisipalidad naman ito ay binubuo naman ng mga SK Chairperson sa mga barangay ng munisipalidad habang sa lungsod, ito naman ay bubuuhin ng mga SK chairperson ng mga barangay sa siyudad.

Naniniwala ang mambabatas, na sa pamamagitan nito ay mapapalawak ang ambag ng mga kabataang opisyal sa lipunan.

Sa pamamagitan ng paglikha ng pambansang organisasyon ng SK, ay inaasahan ni Gatchalian na magkakaroon ng maayos at epektibong ugnayan sa mga opisyal ng SK partikular sa aspeto ng pamumuno at pagpapatupad ng mga proyekto.

Facebook Comments