Pagpapaturok ng booster shot, epektibo na panlaban sa bagong Omicron subvariant na BA.2.75; bilang ng mga Pilipinong fully vaccinated kontra COVID-19, nasa 71.4 milyon na!

Nanindigan si Vaccine Expert Panel Chairperson Dr. Nina Gloriani na epektibo pa rin ang COVID-19 booster shot laban sa bagong Omicron subvariant na BA.2.75.

Ito ang naging pahayag ni Dr. Gloriani kasunod nang sinabi ni Infectious Disease Expert Dr. Rontgene Solante na mas nakakahawa at makawala sa bisa ng kasalukuyang bakuna ang BA.2.75.

Sa isang panayam, nilinaw ni Dr. Gloriani na batay sa pag-aaral na malaking tulong ang pagpapaturok ng booster dose upang maprotektahan ang sarili laban sa nasabing subvariant.


Paliwanag kasi ni Dr. Gloriani na ang booster dose ay nage-expand at nagbo-broaden ang immune response at iba’t ibang klase na antibodies na panlaban sa mga variant.

Samantala, aabot na sa 71.4 milyong Pilipino ang fully vaccinated na laban sa COVID-19.

Ito ay batay sa inilabas na datos ng Department of Health (DOH) hanggang nitong July 19, kung saan 6.7 milyon nito ang senior citizen, 9.6 milyon ang adolescents at 3.9 milyon ang mga bata.

Habang, nasa 15.7 milyon ang nakatanggap na ng unang booster shot at mahigit 1.1 milyong healthcare workers, senior citizens, immunocompromised at indibidwal na may comorbidities ang naturukan na ng ikalawang booster dose.

Facebook Comments