Pamahalaan, inirekomenda na magdeklara ng “National State of Calamity” sa buong bansa

Inirekomenda ni Senator Francis Tolentino na magdeklara ang pamahalaan ng “National State of Calamity” upang tulungan ang mamamayan na maibsan ang epekto ng El Niño phenomenon.

Ang mungkahi ng senador ay bunsod ng resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagsasabing 14.2% ng mga Pinoy ang nakakaranas ng involuntary hunger noong unang quarter ng taon.

Giit ni Tolentino, hindi na dapat localized ang deklarasyon ng state of calamity para ma-activate ang probisyon ng Price Act at matiyak ang malawakang pamamahagi ng relief sa mga nangangailangan.


Kahit nagdeklara ang ilang local government units (LGUs) ng state of calamity, nag-aalangan aniya ang ilan na gamitin ang pondo bunsod ng budget constraints dahil nakareserba ang pondo para lamang sa mga typhoon-related emergencies.

Sinabi ng senador na kailangan ng agarang aksyon upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil sa El Niño.

Kailangan na rin aniya ng buong bansa ng price freeze o pagbabawal sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin alinsunod na rin sa Price Act o Republic Act (R.A.) 7581.

Facebook Comments