PBBM, nag-uwi ng mahigit 200-K trabaho mula sa foreign trips

Hindi lang bilyones na halaga ng investment pledges ang resulta ng mga biyahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa ibang bansa sa halip maging trabaho.

Sa katunayan, sinabi ng Department of Trade and Industry o DTI na batay sa investment leads ay nakapag-uwi ang pangulo ng mahigit 200,000 trabaho para sa mga Pilipino mula sa foreign trips.

Ayon sa DTI, noong nakaraang taon ay aabot sa 7,100 job opportunities ang nalikha mula sa Indonesia; habang halos 15,000 ang mula sa Singapore; at 98,000 mula sa New York.


Nag-uwi rin si Pangulong Marcos ng 5,500 na mga trabaho mula sa pagbisita sa Thailand, at halos 6,500 mula sa Belgium.

Para naman sa taong 2023, batay sa tala ng DTI, nagresulta ng higit 32,700 employment ang biyahe ng presidente sa China; 24,000 mula sa Japan; higit 6,000 mula sa Washington, DC at higit 8,000 mula sa Malaysia.

Nagbigay rin ng karagdagang 450 trabaho ang muling pagbisita ni PBBM sa Singapore; higit 2,500 sa US; at 15,750 mula sa Japan.

Matatandaang sinabi ni Presidential Adviser on Investment and Economic Affairs Frederick Go na nasa P169 billion na halaga ng investment pledges mula sa Japan ang naisakatuparan na at nagbigay ng libu-libong oportunidad sa mga Pilipino.

Facebook Comments