Pilipinas, tinaguriang bullying capital of the world –PISA

Inihayag ng EDCOM na naging bullying capital of the world na Pilipinas dahil sa kakulangan ng guidance counselors sa mga paaralan.

Sa Malacañang press briefing, inihayag ni Executive Director Karol Mark Yee ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), na batay ito sa resulta ng ginawang pag-aaral ng Programme for International Student Assessment (PISA) bukod pa sa pag-aaraal na ang mga estudyanteng Pilipino ang pinakamalungkot na mga mag-aaral.

Epekto rin aniya ito ng kakulangan sa guidance counselors na tumututok sa mga ganitong kaso dahil nakasaad sa probisyon ng anti-bullying act, na dapat ay may master’s degree ang mga guidance counselor.


Ayon kay Yee, may higit limang libong bakanteng posisyon para guidance counselor sa DepEd.

Pero ang problema aniya ay walang nag-aalok ng master’s in guidance counseling sa bansa kung kaya’t posibleng abutin ng 14 na taon para mapunan ang bakanteng puwesto.

Dahil dito, sinabi ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara na ginagawan na nila ng paraan ang problema sa tulong ng cabinet cluster.

Hinilingin din aniya ng DepEd sa mga mambabatas na tanggalin ang nabanggit na probisyon upang mapunan ang mga bakanteng pwesto sa guidance counselor.

Facebook Comments