Naniniwala ang National Security Council (NSC) na bahagi lamang ng cognitive warfare ng China ang pinalulutang na konsepto ng “New Model Arrangement”.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya, tinitawag itong cognitive warfare dahil may political objective ito na buwagin at pahinain ang pagtatanggol ng Pilipinas sa karapatan nito sa West Philippine Sea (WPS).
Sa pamamagitan kasi aniya nito ay bababa ang moral ng mga Pilipino at paniniwalain na mahina ang ating bansa.
Bagong taktika rin aniya ito ng China na magpakalat ng maling impormasyon tulad ng isa sa mga sikat na estratehiya sa Art of War ni Sun Tzu na “subdue your enemy without fighting”.
Matatandaang noong Sabado ay sinabi ng Chinese Embassy na may bagong paraan ng pagtugon sa tumataas na tensyon sa WPS na inaprubahan daw ng Pilipinas.
Iginiit din ng China na mayroon itong record ng negosasyon ng dalawang bansa patungkol sa usaping ito.