Ikinabahala ng Philippine National Police (PNP) ang alegasyon ni Police Colonel Jovie Espenido sa House Quad Committee hearing kahapon na ang Pambansang Pulisya ang “largest organized crime group in the country.”
Ayon sa PNP, ang naturang alegasyon ay lumikha ng pagdududa sa integridad at dedikasyon ng mga unipormadong kasapi ng Pambansang Pulisya na nanumpang pangalagaan ang sambayanang Pilipino.
Bagama’t aminado na may iilang miyembro ng organisasyon ang naligaw ng landas, pero hindi sila kumakatawan sa mayorya ng tapat at matitinong pulis.
Binigyang diin pa ng PNP ang kanilang patuloy na pagsisikap na malinis ang kanilang ranggo, at marami nang tiwaling pulis ang na-dismiss o nasuspindi sa hindi pagsunod sa alituntunin o pagkakasangkot sa iligal na aktibidad.
Kasunod nito, nanawagan ang PNP sa sinumang may impormasyon patungkol sa iligal na aktibidad ng mga pulis na magsumbong upang maimbestigahan at mapanagot sa batas.