Recto, madaming magagawa bilang Finance Secretary

Buo ang tiwala ni Deputy Minority Leader at Basilan Representative Mujiv Hataman na madaming magagawa si bagong Finance Secretary Ralph Recto para sa ekonomiya at kapakanan ng mamamayang Pilipino.

Ayon kay Hataman, nasubaybayan ng lahat ang kakayahan ni Recto bilang isang magaling na ekonomista sa mahabang panahon at bilang mambabatas na maraming ini-akdang economic laws natin at naging pinuno rin National Economic and Development Authority (NEDA).

Dagdag pa ni Hataman, nasaksihan din natin ang kanyang husay ngayon bilang kongresista ng Batangas, at bilang House Deputy Speaker at bilang dating Chairperson naman ng Senate Ways and Means Committee.


Diin ni Hataman, naipamalas na ni Recto ang kagalingan at malalim na pang-unawa sa fiscal policies at taxation issues ng ating bansa na nagbigay daan upang makapagbalangkas tayo ng mga batas para sa ating ekonomiya.

Bunsod nito ay naniniwala si Hataman na ang kahanga-hangang track record ni Recto ay magsisilbing asset sa pagharap ng bansa sa iba’t ibang hamon.

Facebook Comments