Pag-aaralan ng Senate Ethics Committee ang magiging aksyon sa nag-viral na post ng asawa ni Senator Robin Padilla na si Mariel Padilla kung saan nagpapa-gluta drip ito habang nasa loob ng tanggapan ng Senado.
Nababahala si Committee Chairperson Nancy Binay na bagama’t hindi saklaw ng scope ng Committee on Ethics ang ginawa ng maybahay ni Padilla dahil hindi naman ito senador, pero aminado siyang hindi rin tama na ang isang ganoong gawain ay ginawa sa gusali ng gobyerno tulad ng Senado.
Dahil ginawa aniya ito sa loob ng Senado ay maaaring magmistulang ineendorso nila ang gluta drip lalo’t may naunang babala na rito si Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa at ang Food and Drug Administration (FDA) na walang approval ang gluta drip para sa pagpapaputi.
Nag-alala rin si Binay na kung may nangyaring masama ay hindi rin pala alam ng clinic ng Senado na may ganitong ginawa sa loob ng opisina ng isang senador.
Dahil dito, posibleng pag-aralan ng kaniyang komite kung kinakailangan pa bang maglabas ng written regulations ng mga do’s and don’ts ng mga senador at kanilang mga bisita sa loob ng Senate building.