Cauayan City, Isabela- Muling nananawagan ng tulong ang isang Ginang mula sa Echague, Isabela para tuloy-tuloy na gamutan ng kanyang 3-taong gulang na anak na si “Cheska” matapos sumailalim sa tatlong beses na operasyon dahil sa problema sa bituka.
Personal itong inilapit ni Bianca Narvasa sa 98.5 iFM Cauayan upang maging daan na makapagpanawagan sa may mabubuting puso na siya ay matulungan dahil kapos sila sa pinansyal na aspeto.
Sa panayam kay Bianca, bagama’t naoperahan na ang kanyang anak ay nagkaroon ng kaunting problema matapos bumagsak ang sugar level ng bata na hindi normal sa mga sumasailalim sa isang operasyon ayon sa kanyang doktor.
Aniya, kailangan umano na mag-normalize ang sugar level nito para magtuloy-tuloy na magrekober ang katawan ng bata.
Kaugnay nito, laking pasasalamat naman ng Ginang sa tulong na naipaabot ng Provincial Government mula sa tanggapan ni Governor Rodito Albano III matapos masaksihan ang larawan ng bata sa hindi maayos na sitwasyon.
Samantala, upang higit na makahanap ng tulong ay mismong ang asawa ni Bianca at kanilang 6-months old na anak ang kasa-kasama sa pag-iikot sa Maynila na nagbabakasakali na may mabubuting puso ang makatulong sa kanila.
Biyaya naman na maituturing ang isang Ilokanong doktor mula Ilocos region na umaasikaso sa anak ni Bianca matapos sabihin na hindi na ito tatanggap pa ng ‘doctors fee’ basta bayaran nalang ang magiging hospital bill.
Sa kabilang banda, dismayado naman ang Ginang sa Local Government Unit ng Echague matapos umanong kwestyunin ng mga staff ng Mayor’s Office ang paulit-ulit na pagpunta ni Bianca sa tanggapan para humingi ng tulong.
Giit niya, hindi madali ang kanilang sitwasyon kaya’t sana ay iyon ang naiintindihan ng mga kawani ng LGU Echague Mayor’s Office.
Sa kasalukuyan, kailangan pang obserbahan ang kalagayan ng bata matapos ang operasyon at tanging hiling ni Bianca ang tuloy-tuloy na gamutan nito.
May ilan na ring private sector ang tumutulong sa gamutan ni Bianca gaya ng Earth Angels Helping Hands.
Sa mga nais tumulong sa gamutan ni Cheska ay maaaring ipadala sa pamamagitan ng GCASH Account number 09979417913.