Suspendido ang punong-guro sa isang paaralan matapos na may 3-taon-gulang na babaeng nasawi nang aksidenteng mahulog sa kumukulong kawa ng mga gulay.
Naglalaro ang biktima malapit sa lutuan kasama ang ilang bata sa eskwelahan sa Uttar Pradesh nang mangyari ang insidente noong Lunes, Pebrero 3, ayon sa Outlook India.
Batay sa mga kaanak ng bata, nakasuot ng earphones ang nakatokang magluto at hindi binibigyang pansin ang mga batang naglalaro malapit sa kalan.
Napansin na lamang daw ng taga-luto na nahulog ang biktima nang magsigawan ang mga bata.
Dala ng pagkataranta, tumakbo raw palayo ang taga-luto.
Bagaman nadala sa clinic, pumanaw ang bata habang ginagamot.
Ayon sa mahistradong si Sushil Patel, nangyari ang insidente dahil sa kapabayaan ng anim na taga-luto sa paaralan.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng awtoridad.