
Nananatiling normal ang sitwasyon sa iba’t ibang kalsada sa bansa sa gitna ng nagpapatuloy na tigil-pasada ng grupong Manibela.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB Spokesperson Atty. Ariel Inton, batay sa assessment ng Inter-agency on Tigil Pasada, walang naranasan na pagparalisa ng public transport.
Ayon kay Inton, napaghandaang mabuti ng pamahalaan ang transport strike, mula sa libreng sakay hanggang sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad ng mga nagpoprotesta, gayundin ang mga hindi sumama sa strike.
Maging ang pribadong sektor aniya at mga paaralan, nagpatupad ng online classes para sa kanilang mga estudyante.
Tiniyak naman ng Malacañang na palaging nakaalalay at hindi pababayaan ng national government ang mga commuter na maaapektuhan ng tatlong araw na tigil-pasada.
Isusulong din ng Palasyo ang win-win solution para sa lahat ng partidong damay sa usapin ng PUV Modernization Program ng gobyerno.