3 arestado sa paglabag sa ipinapairal na Enhanced Community Quarantine sa magkahiwalay na barangay sa Pasay City

Dahil sa katigasan ng ulo, agad na inaresto ang tatlong katao sa paglabag sa ipinapairal na Enhanced Community Quarantine sa magkaibang barangay sa Pasay City.

Unang nadakip ang magkapatid na sina Rolando at Ronaldo Ledesma habang nakatambay ang mga ito sa labas ng KHAI Compound Barangay 201, Zone 20, Pasay City.

Nabatid na unang pinagsabihan ng mga barangay tanod ang magkapatid pero hindi sila nakinig hanggang ang mga pulis na ng Pasay Sub-station 9 ang umaresto sa kanila.


Sunod naman naaresto si Cjay Cerales sa may bahagi ng Apelo Cruz Street, Barangay 151-16 sa Malibay kung saan nakuhanan siya ng ilegal na droga ng sitahin ng mga otoridad dahil sa walang suot na face mask.

Isang maliit na sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P100.00 ang nakuha sa suspek pero todo tanggi ito na nagbebenta siya subalit aminadong gumagamit ng ilegal na droga.

Tikom naman ang bibig nito nang tanungin kung saan at kanino niya nabili ang shabu.

Facebook Comments