3 aspeto, tututukan ng bagong PNP chief

3 aspetong prayoridad ng bagong talagang Philippine National Police (PNP) Chief na si PLt. Gen. Rodolfo Azurin ang kanyang balak tutukan.

Kabilang na rito ang policy flexibility, pagpapaunlad ng operational accomplishment at responsive infrastructure management.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Brig. General Roderick Augustus Alba, nais din ng bagong pinuno ng Pambansang Pulisya na maipagpatuloy ang iba pang reporma sa kanilang hanay.


Nabatid na ang bagong PNP chief ay tubong Tarlac na miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Makatao Class of 1989 at kasalukuyang commander ng Northern Luzon area.

Humawak na rin ng key positions si Azurin bago mailuklok bilang hepe ng Pambansang Pulisya, kabilang na rito ang PNP Directorate for Comptrollership at Director for Information and Communication Technology Management.

Naging pinuno rin si Azurin ng special operations group ng Highway Patrol Group (HPG), naging Deputy Chief for Operations ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force o PAOCTF at naging provincial director din ng Benguet Police Provincial Office.

Una nang nagpahayag ng suporta ang Pambansang Pulisya sa bago nilang pinuno na si Police Lieutenant General Azurin.

Si Azurin ang ika-28 na PNP chief kung saan magtatagal ang termino nito hanggang April 24, 2023.

Facebook Comments