3 bagong reklamo, inihain ng PAO laban sa mga dawit sa Dengvaxia controversy

Naghain muli ang Public Attorney’s Office (PAO) ng tatlong bagong criminal complaints kaugnay sa kontrobersyal na anti-dengue vaccine na Dengvaxia.

Ang mga magulang ng mga batang sina Riceza Salgo at Leiden Alcabasa, kapwa 12-anyos at 11-anyos na si Eira Mae Galoso ay nagsampa ng hiwalay na reklamo laban kina Dating Health Secretary Janette Garin at iba pang health officials, maging sa manufacturer at local distributor ng Dengvaxia.

Ang tatlong menor-de edad ay namatay noong nakaraang taon matapos mabakunahan ng Dengvaxia.


Hiniling ng mga ito sa Department of Justice (DOJ) na kasuhan ang mga respondents ng Reckless Imprudence Resulting in Homicide at paglabag sa Anti-Torture Law at Consumer Act.

Aabot na sa higit 30 pamilya ang nagsampa ng kaso sa mga responsable sa pagbili ng ₱3.5 billion na halaga ng bakuna na itinurok sa higit 800,000 bata sa pagitan ng 2016 at 2017.

Facebook Comments