Isasailalim sa 48 oras na lockdown ang tatlong barangay sa Maynila.
Batay sa Executive Order(EO) ni Manila Mayor Isko Moreno, kabilang sa mga isasailalim sa lockdown ang:
• Barangay 60, Zone 5 na sakop ng District 1
• Barangay 163, Zone 14 na sakop naman ng District 2
• Barangay 844, Zone 92 na sakop naman ng District 6
Ang Barangay 163 at 60 ay kapwa sakop ng Tondo habang ang Brgy. 844 naman ay sakop ng Pandacan.
Ang lockdown ay ipatutupad simula 12:00AM ng June 19, 2020 hanggang 11:59PM ng June 20, 2020.
Nakasaad pa sa Executive Order na habang umiiral ang lockdown ay bawal munang lumabas ng tahanan ang mga residente ng mga nasabing barangay.
Maliban na lamang sa mga health workers, mga miyembro ng PNP, AFP, PCG at iba pang government frontliners at mga service worker na nagtatrabaho sa mga essential services.
Habang umiiral ang lockdown ay magsasagawa naman ng mass testing sa mga nasabing barangay upang maiwasan ang pagkalat pa ng COVID-19.