
Kinumpirma ni Philippine National Police Chief PGen. Nicolas Torre III na tatlong tinaguriang child warriors ng teroristang Dawlah Islamiyah–Maute Group ang naaresto matapos ang engkwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga miyembro ng grupo sa Barangay Lumbayanague, Lanao del Sur.
Batay sa ulat ng PNP–CIDG, nakilala ang mga nadakip na sina alyas Abu Zacaria, Al Wala, at Asnawi habang patay naman sa operasyon ang tatlong iba pa na sina Anwar Rahman, Abdullah, at isang babae na kinilalang Nahara.
Ang mga ito ay pawang may mga warrant of arrest para sa kasong murder at homicide na inilabas ng Regional Trial Court (RTC) ng Marawi, Lanao del Sur.
Ayon kay Torre, tinatayang nasa edad 16 hanggang 18 anyos ang mga teroristang nasakote at napatay.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Philippine Army ang tatlong child warriors at inaaasikaso na ang kanilang paglilipat sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Narekober sa pinangyarihan ang iba’t ibang matataas na kalibre ng armas, mga granada, rocket-propelled grenade, homemade M79 grenade launcher, dalawang bandila ng ISIS, at iba pang kagamitan.
Patuloy naman ang pagtugis ng mga awtoridad sa tumakas na lider ng rebeldeng grupo na kinilalang si Amerol Usman.
Samantala, sa panig ng militar isa ang sugatan matapos tamaan ng bala sa kaliwang tuhod pero kasalukuyan na itong nasa stable condition.








