3 clinical study sa bisa ng VCO kontra COVID-19, natapos na ng DOST

Natapos na ng Department of Science and Technolgy (DOST) ang tatlong pag-aaral para sa bisa ng Virgin Coconut Oil (VCO) bilang gamot kontra COVID-19.

Ayon kay Dr. Jaime Montoya, Executive Director ng DOST-Philippine Council for Health Research and Development, dalawa rito ang nailathala na sa Journal of Functional Foods habang ang ikatlong pag-aaral ay sumasalang pa sa pre-review ng mga eksperto.

Kabilang sa mga napatunayan sa pag-aaral ay ang mga sumusunod:


– Pinapatay ng VCO ang virus lalo na kapag kakaunti pa lamang
– Kumpara sa hindi nabigyan ng VCO, mas mabilis gumaling, hindi nagkakaroon ng komplikasyon at hindi kinakailangan ma-ospital ang mga pasyenteng gumagamit nito

“Antabayanan na lang po natin itong resulta ng third study, pero sa pangkalahatan, so far po, maganda naman yung resulta at tingin ko po, ito ay pwedeng tinatawag na adjunct treatment o karagdagang gamot para sa mga pasyente nating may COVID-19, mild cases o asysmptomatic,” ani Montoya.

“Pero para inumin niyo para hindi magkaroon ng COVID-19, syempre po, kailangan pag-aralan po yan at yan po ang isa sa mga binabalak naming gawin,” dagdag niya.

Samantala, natapos na rin ng DOST ang pag-aaral hinggil naman sa bisa ng lagundi at kasalukuyan itong sumasailalim sa experts’ review.

Bukod dito, nagpapatuloy din ang clinical trials ng ahensya sa iba pang potensyal na gamot kontra COVID-19 gaya ng tawa-tawa, melatonin, at Favipiravir.

Pero sa ngayon, paalala ni Montoya, bakuna pa rin ang pinakamabisang pangontra sa virus.

“Bakuna pa rin po ang pinakamainam na prevention sa COVID-19.”

Facebook Comments