
Nagsampa ng reklamo ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) laban sa tatlong dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa mahigit ₱1.6 billion na hindi binayarang buwis.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., bahagi pa rin ito ng kanilang hakbang upang mapanagot ang mga indibidwal na sangkot sa mga iregularidad sa mga flood control project.
Nahaharap sa tax evasion at willful failure to file and supply correct information ng National Internal Revenue Code of 1997 sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza.
Batay sa isinagawang lifestyle check, natuklasan ng BIR na namumuhay nang marangya ang tatlong dating opisyal, gayong hindi naman tugma sa kanilang idineklarang source of income ang kanilang mga kita, ari-arian, at financial transactions.
Ayon kay Lumagui, lumitaw na nakatanggap umano sila ng malalaking “kickback” o bahagi mula sa mga ghost project, na ‘nilabhan’ pa umano sa mga casino o ‘yung money laundering sa pamamagitan ng pagpapalit ng mga casino chips.
Napatunayan din sa mga record ng Land Registration Authority at Land Transportation Office na nakabili sila ng mga luho at ari-arian tulad ng luxury vehicles at mga high-value property.
Ito na ang ikalawang beses na naghain ng mga kasong kriminal ang BIR sa mga sangkot sa flood control projects.
Sa kabuuan, sampung kaso na ang naisampa sa mga sangkot na may kabuuang tax liability na ₱8.86 billion.









