3 delivery boy, biktima ng ‘no-show customer’; order umabot sa halos P6k

Courtesy Bernard Enriquez

Viral ngayon sa Facebook ang post tungkol sa tatlong food delivery boy na na-1-2-3″ ng customer na umorder sa kanila noong Martes, Mayo 12.

Kuwento ni Bernard Enriquez, magkasunod na kumatok sa kanilang gate ang dalawang delivery boy at hinahanap ang isang nagngangalang “Jane Castro”.

Ang unang rider ay may dalang milk tea samantalang mga pagkain naman ang bitbit ng pangalawa.


Labis ang pagtataka ni Enriquez dahil wala naman daw nakatirang “Jane Castro” sa tinitirahang apartment. Kaya minabuti niyang magtanong sa mga kapitbahay kung kilala ang nasabing pangalan.

Ilang sandali pa, nakatanggap daw ng mensahe ang dalawang rider na cancel na ang mga order.

“The delivery boy was even offering for free but I refused to accept and (they) just gave it to the gasoline boy,” saad ng uploader.

Pero makalipas lamang ang ilang minuto, may pangatlong delivery boy na pumunta sa bahay ni Enriquez at muling hinahanap si Jane Castro na umorder ng 25 manok at halu-halo sa Mang Inasal.

At ang inorder na food items, umabot sa halagang P5,800.

Dahil sa matinding pagkaawa, nakiusap ang lalaki sa kaniyang mga kapitbahay upang paghati-hatian ang pambayad sa mga pagkaing binili ng scammer.

Lahat ng nabiktimang trabahante ay mula sa delivery service na Food Panda.

“MY GOD MAY PANDEMIC OR WALA!!!….asan ang konsensya mo Jane Castro????……hindi ito gawain ng isang tao!!! How these people be able to get their money back?,” hinanakit ng uploader.

Umani ng mahigit 200,000 reactions sa social media ang nakababahalang post.

Samantala, iniimbestigahan na raw ng Food Panda ang naturang insidente at sinabing sila na ang nagbayad sa mga food item na inorder.

Facebook Comments