Ipinag-utos ni Philippine Red Cross o PRC Chairman at dating Sen. Richard Gordon ang full-blown relief and recovery efforts nito sa mga apektado ng Magnitude 6 na lindol sa Davao de Oro.
Kasunod nito, sinabi ni Gordon na agad silang nagpadala ng 3 Emergency Medical Units para umalalay sa Davao de Oro Provincial Hospital.
Paliwanag ni Gordon na mayroon itong 25 na durable cot beds, kaya nitong ma-accommodate ang mga emergency cases at maaari rin itong magsilbing pediatric ward at delivery room sa nasabing pagamutan.
Dagdag pa ni Gordon na naglatag din sila ng medical tents na kumpleto sa kagamitan at supplies gayundin ay tinatauhan ng PRC volunteer doctors at nurses para mabilis na pagsilbihan ang mga apektado ng lindol na may pangangailangang medikal
Una rito, namahagi ang Red Cross ng may 300 hot meals sa mga apektado ng lindol habang aabot naman sa may 5 libong litro ng malinis na tubig ang kanilang ibinigay din sa ospital sa tulong ng kanilang PRC WASH o Water, Sanitation and Hygiene Unit.
Bukod pa ito sa mga ipinakalat nilang ambulansya, water bladder at water tanker na nakapagsilbi sa mga apektado ng lindol.