
CAUAYAN CITY- Pinasinayaan ng Department of Agrarian Reform (DAR) at Pamahalaang Panlalawigan ng Quirino ang bagong farm to market road sa tatlong munisipalidad sa lalawigan ng Quirino.
Kabilang sa mga proyektong naisakatuparan ay ang rehabilitasyon ng La Paz-Sitio Barnachea Road sa La Paz, Saguday, Villa Pascua Farm-to-Market Road sa Diffun; at Purok 2 Villamor Slaughterhouse Farm-to-Market Road sa Cabarroguis.
Ang bawat kalsadang ito ay may habang 2.3 kilometro, 5 metrong lapad, at kapal na 0.2 metro, na may kasamang mga reinforced concrete cylinder pipe.
Ayon kay Regional Director Primo C. Lara, ang proyekto ay bahagi ng layunin ng DAR na palakasin ang kapasidad ng Agrarian Reform Beneficiaries (ARB) sa pamamagitan ng mga imprastruktura na nagpo-promote ng inclusive growth at economic progress.
Inaasahan din na madagdagan ang mga farm-to-market road projects sa lalawigan, na ipapasa sa opisina ni DAR Secretary Conrado Estrella III.
Binigyang diin naman ni Agrarian Reform Program Technologist Emmanuel Butch R. Bagay, na layunin ng proyekto na mapabilis ang accessibility, mapalakas ang agricultural productivity, at mapabuti ang kabuhayan ng mga ARB at lokal na magsasaka.
Samantala, lubos namang nagpapasalamat si Gov. Dax Cua sa DAR at lokal na pamahalaan sa kanilang walang sawang suporta sa mga magsasaka.