3 gobernador at dalawang alkalde, inisyuhan ng Show Cause Orders ng DILG dahil sa paglabag sa national quarantine policies

Tatlong gobernador at dalawang alkalde ang inisyuhan na ng Show Cause Orders ng Department of Interior and Local Government (DILG) dahil sa paglabag sa guidelines ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, binibigyan lamang nila ng 48 oras ang mga naturang lokal na opisyal para magsumite ng written explanations.

Posible umano silang makasuhan ng administratibo sa Office of the Ombudsman dahil sa negligence, dereliction of duty, at paglabag sa Bayanihan Act kapag hindi makumbinsi ang DILG sa kanilang paliwanag.


Mahaharap din sa kasong kriminal ang mga nasabing opisyal sa National Bureau of Investigation (NBI).

Tiniyak naman ng kalihim na mabibigyan sila ng due process para depensahan ang kanilang sarili.

Sabi pa ni Año, may mga local chief executives para raw ang aasahang maisyuhan ng Show Cause Order sa mga susunod na araw.

Una nang inisyuhan ng Show Cause Orders ang apat na barangay officials mula sa Quezon City at Caloocan City dahil naman sa paglabag sa physical distancing measures at mass gathering guidelines sa ilalim ng ECQ.

Hinihimok pa ng DILG ang publiko na isumbong ang pabaya at tiwaling local government officials na kanilang nalalaman sa DILG Hotline 8888; 911 ay DILG-Public Assistance and Complaint Center sa telepono bilang 02-8925-0343.

Facebook Comments