Tatlong gun ban violators ang naaresto ng Philippine National Police sa lungsod ng Quezon.
Ayon sa PNP-Highway Patrol Group, nagsasagawa ng anti-carnapping operations ang mga awtoridad sa kahabaan ng EDSA-Quezon Avenue nang maharang ang sasakyan ng mga suspek na gumagamit ng improvised na plaka.
Matapos parahin, ipinakita ng tatlo ang mga dokumento ng sasakyan na nakarehistro sa Toyota Corolla.
Pero habang pinagsasabihan hinggil sa paglabag sa iligal na paglilipat ng plaka, napansin ng mga pulis ang kahina-hinalang kilos ng drayber at dalawa nitong sakay.
Doon na napansin ng isang pulis ang baril na hawak ng isang pasahero kung kaya’t kinakpakapan ang mga suspek at nakuha sa kanila ang tatlong baril.
Nakakulong na sa RHPU-NCR detention facility sa Camp Crame ang mga suspek.
Biyernes nang simulang ipatupad ang gun ban sa buong Metro Manila bilang bahagi ng seguridad sa unang State of the Nation Address ni Pangulong Bongbong Marcos.
Tatagal ang gun ban hanggang sa July 27, 2022.