3 INDIBIWAL, PATAY SA PAMAMARIL NG ISANG SUNDALO SA LOOB NG 5ID

CAUAYAN CITY- Walang habas na pinagbabaril ng isang sundalo ang kanyang asawa, byenan, at drayber sa loob mismo ng kanilang sasakyan sa 5th Infantry Division, Brgy. Upi, Gamu, Isabela kahapon ika-10 ng Oktubre taong kasalukuyan.

Kinilala ang suspek na si Sgt. Mark Angelo Ajel, kasalukuyang naka-assign sa 503rd Infantry Brigade, Calanan, Tabuk City, Kalinga.

Habang ang mga biktima ay si Rolando Amaba (driver), Erlinda Ajel (asawa ng suspek), at Lolita Ramos, (biyenan ng suspek) at pawang mga residente ng Benito Soliven, Isabela.


Ayon sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, nakita ni Sgt. Rommel Narag ang isang sasakyan na dumaan sa loob ng kampo kung saan nakarinig ito ng ilang putok ng baril at nang lapitan nila ang behikulo ay nakita nila ang suspek hawak ang kanyang baril.

Agad namang dinakip ng mga tauhan ng 5th Infantry Division ang suspek at agad namang dinala sa pagamutan ang dalawang biktima ngunit hindi kalaunan ay binawian ng buhay habang idineklarang dead on the spot naman si Amaba.

Narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang 6 fired cartridge case at 1 fired bullet ng caliber 9mm pistol.

Sa kasalukuyan, ang suspek ay nasa pag-iingat ng Gamu Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at mahaharap sa kasong parricide at two counts of murder.

Facebook Comments