3 Kabataan, Timbog sa Pagsusugal

12

Cauayan City, Isabela- Arestado ng mga alagad ng batas ang tatlong (3) kabataan dahil sa paglalaro ng mga ito ng Tong-its sa Brgy. Alicaocao, Cauayan City, Isabela.

Naaktuhan sa pagsusugal ang mga suspek na nakilalang sina Aerol Villa, 18 anyos, helper; Kristopher Agcaoili, 20 anyos, helper, at Joel Laylo, 20 anyos, laborer at pawang mga residente ng naturang barangay.

Una rito, nakatanggap ng sumbong mula sa concerned citizen ang himpilan ng pulisya na mayroong nagaganap na sugalan na agad namang inaksyunan ng Cauayan City Police Station.

Nagresulta ito sa pagkakaaresto ng mga suspek kung saan nakumpiska sa lugar ang isang (1) set ng baraha, cash na nagkakahalaga ng Php285.00, isang (1) lamesa, at dalawang (2) upuan.

Dinala ang mga suspek sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at inihahanda ng pulisya ang kasong paglabag sa PD 1602 o Illegal Gambling na isasampa laban sa mga suspek.

Facebook Comments