3 Kalalakihan, Biktima ng Pagkalunod sa Bisperas ng Kapaskuhan

Cauayan City, Isabela-Natagpuang wala nang buhay ang isang 18-anyos na mangingisda sa dalampasigan pasado alas-10:00 ng umaga kahapon sa bayan ng Pamplona, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Rowel Taguba na residente ng Barangay Bisagu, Aparri, Cagayan.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, isang lalaki ang nagtungo malapit sa dalampasigan para kumuha ng kahoy na panggatong ng makita nito ang biktima na hubo’t hubad at wala ng buhay.


Dahil dito, agad na humingi ng saklolo ang lalaki sa kapitan ng barangay para kunin ang biktima na pinaniniwalaang nalunod sa karagatang sakop ng bayan ng Aparri.

Nabatid na Disyembre 22 ng magtungo sa dagat ang biktima para manghuli ng isda gamit ang motorized bangka hanggang sa hindi na ito nakabalik pa ng buhay.

Samantala, nasawi rin sa pagkalunod ang 45-anyos na si Salvador Labuguin matapos lumangoy sa overflow bridge sa Sitio Ipil, Brgy. Bauan East Solana matapos makaubos ng maraming bote ng alak.

Maliban pa dito, patay rin sa pagkalunod ang 63-anyos na si Venancio Pascual na residente ng Brgy. Namuccayan, Sto Niño, Cagayan.

Lango rin sa nakalalasing na inumin ang biktima ng matagpuan ang wala ng buhay na katawan sa ilog na sakop ng Chico river.

Pawang naitalang mga biktima ng pagkalunod sa bisperas ng kapaskuhan.

Facebook Comments