3 Kalalakihang kabilang sa Organisadong Grupo ng Pagnanakaw ng Alagang Baka at Kalabaw, Nadakip

Cauayan City, Isabela- Tatlong kalalakihan ang naaresto ng mga awtoridad na kabilang umano sa organisadong grupo ng pagnanakaw ng mga alagang baka at kalabaw sa Quirino Province at sa bahagi ng Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt. Reynold Gonzales, hepe ng PNP Diffun, tumanggi muna nitong pangalanan ang mga suspek dahil sa nagpapatuloy na imbestigasyon at para maaresto ang iba pang kasamahan ng mga ito na tinatayang nasa 20 ang miyembro ng naturang grupo batay sa hawak nilang testigo.

Aniya, marami ang nabiktima ng pagnanakaw ng mga alagang hayop mula sa Quirino Province, Nueva Vizcaya, Isabela at Ifugao kung kaya’t malaking tagumpay ang isinagawang hot pursuit operation ng mga operatiba sa pagkakadakip sa ibang mga miyembro ng grupo.


Ayon pa kay Gonzales, nakipaghabulan sila sa mga suspek hanggang makaabot sa Santiago City at doon na nadakip at tumambad ang nasa 12 baka at kalabaw sakay ng van.

Gayunman, nakuha sa mga suspek ang sasakyan na ginagamit nila sa pagnanakaw.

Nakumpiska sa mga suspek ang isang (1) improvised 12-gauge shotgun, pakete ng dried marijuana at mga bala ng baril na pinaniniwalaang ginagamit sa pagpatay sa mga alagang baka.

Dagdag pa dito, pawang magkakabarkada ang nasa likod ng nasabing nakawan at pinaniniwalaang nag-iikot sa buong rehiyon dos at Cordillera Region para magnakaw.

Giit pa ni Gonzales, ang iba sa mga nakaw na kalabaw at baka ay kinakatay habang ang iba naman ay ibinebenta.

Paniniwala ni PCapt. Gonzales na magkakaugnay ang grupong ito sa mga suspek sa nakawan ng baka at kalabaw sa Isabela pangunahin na sa Echague at Angadanan dahil malaki ang kanilang grupo.

Tinatayang aabot sa 10 van ang kanilang ginagamit para maibiyahe ang mga ninakaw nilang kalabaw o baka.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act of 2001, RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at paglabag sa Presidential Decree No. 533 o Anti Cattle Rustling Law of 1974.

Facebook Comments