3 kasabay ni Salilig na sumalang sa ‘welcoming rites’ ng Tau Gamma Phi, madadamay sa kaso kapag hindi lumutang sa Biñan PNP ngayong araw

Hinimok ng Biñan Police ang tatlong iba pang sumalang sa ‘welcoming rites’ kasabay ng nasawing si John Matthew Salilig na makipagtulungan sa imbestigasyon sa nangyaring hazing.

Ayon kay Biñan City Police Acting Chief Police Lt. Col. Virgilio Jopia, kung hindi sila lulutang sa loob ng araw na ito ay ikokonsidera na rin silang suspek sa kaso.

“In-invite po natin sila dito to come out po para at least mag-undergo rin po ng investigation kasi as of today po, ‘pag hindi po sila nagpunta dito sa ating himpilan ay iko-consider din po natin sila na isa sa suspek at mapapasama po sila sa ginagawa nating kaso po,” pahayag ni Jopia sa interview ng DZXL.


Kahapon, sinampahan na ng kasong paglabag sa Anti-Hazing Law ang anim na sumukong suspek sa pagkamatay ni salilig na sina Earl Anthony Romero, Tung Cheng Teng Jr., Jerome Balot, Sandro Victorino, Michael Lambert Ritalde at Mark Pedrosa.

Kasamang kinasuhan ng pulisya ang may-ari ng bahay kung saan isinagawa ang initiation rites.

May hanggang March 10 ang mga suspek para maghain ng counter affidavits.

Samantala, ayon pa kay Jopia, may hawak na rin silang impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng iba pang persons of interest sa kaso.

Facebook Comments