3 Katao, Sugatan nang Mabangga habang Tumatawid sa Lansangan!

*Naguilian, Isabela- *Sugatan ang tatlong katao kabilang ang isang lola matapos mabangga ng motorsiklo habang tumatawid sa pedestrian crossing partikular sa pambansang lansangan ng Brgy. Surcoc, Naguilian, Isabela.

Kinilala ang mga sugatang biktima na sina Brigida Dela Cruz, 75 anyos, Jenny Dela Cruz, 17 anyos at Leamay Dela Cruz, 17 anyos, pawang mga residente ng Brgy. Surcoc, Naguilian, Isabela habang ang suspek at driver ng Honda TMX 125 ay si Rowel Wason Limon, 28 anyos, may-asawa, helper at residente naman ng Brgy Maluno, Benito Soliven, Isabela

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 RMN Cauayan, binabaybay ng suspek ang nasabing lansangan at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay aksidente nitong nabangga si Brigida Dela Cruz na kasalukuyang tumatawid sa lansangan.


Nawalan ng kontrol sa manibela ang suspek kaya’t nabunggo rin nito sina Jenny at Leamay Dela Cruz na kasalukuyan rin na bumabagtas sa nasabing lansangan.

Nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang mga biktima maging ang suspek na dinala sa magkahiwalay na pagamutan para sa kanilang karampatang lunas.

Inihahanda naman ng PNP Naguilian ang maaaring kaso na kakaharapin ng suspek.

Facebook Comments