Cauayan City, Isabela- Timbog ang tatlong lalaki sa tangkang pagpupuslit ng tinatayang mahigit 2,000 boardfeet na kontrabandong tablon ng kahoy o (Narra) na isinakay sa isang elf truck matapos masakote ng mga otoridad sa Cabatuan road na sakop ng Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.
Bandang alas 5:00 ng umaga ngayong Lunes, Disyembre 20, 2021, nahuli ang tatlong suspek na kinilalang sina Roland Dela Cruz, 28 taong gulang, may asawa, traysikel driver; Ronald Valerio, 35 taong gulang, magsasaka, walang asawa at Jonathan Vicente, 42 taong gulang, may asawa na pawang mga residente ng Brgy. Villa Concepcion, Cauayan City, Isabela.
Una rito, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Regional Group on Special Company (RGSC) Isabela mula sa isang concerned citizen na ang mga nasabing suspek ay magbi-biyahe umano ng kahoy patungo sa Lungsod ng Cauayan kung kaya’t agad na ipinagbigay alam sa PNP Cauayan City.
Agad namang naglatag ng Anti-illegal Logging operation ang pinagsamang operatiba ng PNP Cauayan City, RGSC Isabela, 2nd Isabela Provincial Mobile Force Company (PMFC) at Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) kung saan namataan ng mga otoridad sa kahabaan ng brgy. San Fermin ang elf truck na may plakang TMA-151 na minamaneho ni Dela Cruz.
Dito na nabisto ang sakay na illegal logs na tinabunan ng nakasakong “ipa” at tinakpan ng tolda.
Tuluyang dinakip ang tatlong suspek dahil walang maipakitang mga kaukulang dokumento ng kanilang ibiniyaheng kahoy.
Sa panayam naman ng 98.5 iFM Cauayan sa drayber ng Elf truck, tinawag lamang umano sila ng may-ari ng mga kahoy na si Fred Cagurangan para i-deliver ang mga ito sa isang Furniture shop sa Lungsod ng Cauayan.
Pumayag naman umano ang mga suspek sa pakiusap ni Cagurangan dahil na rin umano sa kanilang pangangailangan ng pera.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga tatlong (3) suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa PD 705 o illegal logging.
Anumang araw ay ipapasakamay sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga nakumpiskang kontrabando.