Cauayan City – Malalimang imbestigasyon ang isinasagawa ngayon ng Tuguegarao City Police Station matapos mahulihan ng iba’t-ibang klase ng baril at bala ang tatlong kawani ng LGU Peñablanca at isang pulis sa Tuguegarao City, Cagayan.
Ayon sa tagapagsalita ng Tuguegarao City PS na si Police Captain Rose Marie Taguiam, nagkataon na nadakip ang mga suspek nang magsagawa sila ng hot pursuit operation matapos ang naganap na shooting incident sa lungsod nito lamang ika-18 ng Hulyo.
Batay sa ulat, sakay ang apat na suspek sa patrol vehicle ng MDRRMO Peñablanca na nakaparada sa isang ospital sa lungsod kaya naghinala ang isang pulis na nakabantay sa lugar.
Dahil dito, pinakiusapan nito ang mga suspek na buksan ang ilaw at dito nga tumambad ang mga armas na dala ng mga ito kabilang na ang isang M1911 A1 Caliber 45 APC, isang Glock 17 9mm pistol, isang AK 2000P, isang M16 rifle, at isang taurus PT 24/7 Pro, pawang may mga magazine at laman na bala.
Ayon umano sa mga suspek, may kakilala umano ang mga ito na nasa loob ng pagamutan kaya sila nakaparada sa lugar.
Samantala, sa ngayon inaalam pa kung may kaukulang dokumento ang mga nakumpiskang armas, at hindi pa rin malinaw kung may kinalaman nga ang mga suspek na nahulihan ng iba’t-ibang klase ng bala at baril sa nangyaring shooting incident sa lungsod.