Ipinatupad na rin dito sa Quezon City ang pagpapasara ng Lotto outlets kasunod ng utos ni Pangulong Duterte na ipasara ang Lotto outlets, STL at iba pang gaming schemes.
Sarado na ang ilang Lotto outlets sa Quezon Avenue, Masambong at Quirino.
Gayundin sa Congressional Ave, Brgy. Bayanihan at Roosevelt Ave.
Ayon kay QCPD Chief PBGEN Joselito Esquivel, inatasan na ang lahat ng station commanders na tumalima sa pagpapasara ng gaming schemes.
Inaalam pa ang kabuuang bilang ng mga ipinasarang Lotto outlets.
Kusa namang nagsara na ang tatlong lotto outlets sa Pasay City.
Ayon kay Dan De Guzman, pinauwi na ng operator sa Taft Rotonda ang pinsan niyang nagbabantay sa lotto outlet kasunod ng naturang kautusan.
Mula aniya kahapon hanggang kaninang umaga ay pabalik-balik ang mga mananaya at nagtatanong kung kailan magbubukas ang lotto outlet.
Kusa na ring nagsara ang lotto outlet sa Pasay Libertad at ang isang outlet sa loob ng isang mall sa naturang lungsod.
Dahil dito, dismayado ang mga lotto bettor kagaya na lamang ni Raul Andatu.
Ayon kay Andatu, bakit pinag-iinitan ang mga gambling games na legal namang nakakuha ng franchise habang pinapayagang mamayagpag ang mga casino.
Dagdag niya, sa halip na pag-initan ang lotto, mas mainam na habulin na lamang ang mga pasugalan na hindi nagbabayad ng buwis sa gobyerno katulad ng jueteng.