3 mahahalagang kasunduan sa ASEAN Summit, nalagdaan na; ASEAN chairmanship sa 2026, ipapasa na sa Pilipinas ngayong hapon

Screenshot from RTVMalacañang/Facebook

Nalagdaan na ang tatlong mahalagang kasunduan sa 47th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit na dinaluhan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at iba pang lider ng ASEAN.

Ang mga kasunduang ito ay inaasahang magbubukas ng mas maraming oportunidad sa trabaho, negosyo, at kaunlaran para sa mga bansa sa Southeast Asia, kabilang ang Pilipinas.

Ngayong huling araw ng summit, pinirmahan ang ASEAN–China Free Trade Area (ACFTA) 3.0 Upgrade, na isa sa pinakamahalagang kasunduan sa ekonomiya ng rehiyon.

Layon nitong palakasin ang kalakalan at kooperasyon sa green at digital economy, gayundin sa mas matatag na supply chain sa pagitan ng 11 ASEAN countries at ng China.

Bahagi rin ng kasunduan ang suporta para sa mga maliliit na makatutulong sa mga lokal na negosyanteng Pilipino na gustong makipagsabayan sa regional market.

Bago nito, sinaksihan din ni Pangulong Marcos Jr. ang hand over ceremony ng Second Protocol to Amend the ASEAN Trade in Goods Agreement (ATIGA) na magpapabilis ng kalakalan sa loob ng ASEAN sa pamamagitan ng mas malinaw na proseso, transparency, at mas epektibong sistema ng pagresolba ng mga alitan sa negosyo.

Isa rin sa mahalagang dokumentong nalagdaan sa summit ang pormal na pagtanggap sa Timor-Leste bilang bagong kasaping bansa ng ASEAN matapos ang labing-apat na taong aplikasyon.

Samantala, ngayong hapon, magaganap ang symbolic turnover ceremony kung saan pormal na ipapasa ni Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim ang ASEAN Chairmanship kay Pangulong Marcos Jr.

Huling pinangunahan ng Pilipinas ang ASEAN noong 2017, at inaasahang ibabalik ang hosting sa 2026 ang regional leadership role ng bansa sa harap ng mga hamon sa ekonomiya, klima, at seguridad sa West Philippine Sea.

Facebook Comments