Target ng pamahalaan na mabakunahan ang nasa tatlong milyong bata na may edad limang taong gulang at pababa sa ilalim ng polio vaccination campaign ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nagsimula na ang kampanya ng Sabayang Patak Kontra Polio nitong Lunes, July 20 at magtatagal sa August 2.
Sa unang araw pa lamang, aabot sa 634,832 na bata o 8.3% ang nabigyan ng bakuna.
Pagtitiyak ni World Health Organization (WHO) Country Representative Dr. Rabindra Abeyasinghe na nakalatag ang safety measures para maprotektahan ang mga bata mula sa COVID-19 sa gitna ng kampanya kontra polio.
Sakop ng kanilang immunization campaign ang Mindanao lalo na sa Basilan, Sulu, at Tawi-tawi, Central Luzon at ilang bahagi ng CALABARZON na nakitaan ng sirkulasyon ng polio virus.
Ipinunto ni Abeyasinghe na kailangang umabot sa 95% ang coverage ng vaccination para mapigilan ang pagkalat ng polio.
Hinimok naman ni Health Undersecretary Abdullah Dumama Jr. ang mga magulang at guardians na pabakunahan ang kanilang mga anak kontra polio.
Sa monitoring ng DOH sa pagitan ng June 2019 hanggang February 2020, nakapagtala ng 22 kaso ng polio sa Regions 3, 4A, 10, 12, at BARMM.