3 miyembro ng pamilya, patay matapos makuryente, malunod habang naliligo sa pool

(Gregory P. Mango photo)

Wala ng buhay at nakalubog na sa swimming pool nang abutan ng pulisya ang isang pamilya sa East Bunswick, New Jersey.

Patay ang isang 8-anyos na babae, kanyang 32-anyos na nanay at 62-anyos na lolo na matapos ang nangyaring trahedya.

Ayon sa ABC 6, nakatanggap daw ng tawag ang pulisya mula sa kapitbahay ng mga biktima dahil daw sa mga sigaw na kanilang narinig mula sa bahay ng mga ito.


Nang magtungo sa lugar, nalulunod na ang tatlo sa naturang pool sa kanilang likod-bahay.

Nagsagawa pa ng CPR ang mga rumesponde ngunit idineklarang dead at the scene na ang tatlo.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng New Jersey Police, maaaring may electrical issue na nangyari na naging dahilan nang pagkamatay ng naturang pamilya.

Patuloy naman itong kinukumpirma sa tulong ng electrical contractor na tinawagan ng pulisya.

Samantala, naiulat ding kakalipat lang mga biktima sa lugar at dalawang linggo pa lang daw silang naninirahan dito.

Napag-alaman ding nasa loob ng bahay ang ibang miyembro ng pamilya nang mangyari ang trahedya.

Patuloy pang iniimbestigahan ang nangyari.

Facebook Comments