3 nag-iinuman na ‘hinamon’ si Mayor Rex, natunton

Kumasa si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian sa “hamon” ng tatlong lalaking nag-iinuman na hanapin daw sila.

Ayon sa pamahalaang-siyudad, agad itong pinahanap ng alkalde at nang matunton ay ipinatawag sila sa opisina para pagpaliwanagin hinggil sa kumalat na Facebook post.

Makikita sa viral post na tumatagay ang curfew violators sa tila eskinita ng isang bahay at may caption na “mayor hanapin mo daw kami”.


Sinabi mismo ni Gatchalian na sumuway ang mga ito sa Stay Sober Ordinance na may kaukulang multa na P5,000 kada paglabag.

Sa ilalim ng ordinansa, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta, pagbibiyahe, pagbili, at pag-inom ng alak habang umiiral pa ang enhanced community quarantine sa lungsod.

Hindi rin puwedeng pakalat-kalat sa lansangan ang mga lasing o naka-inom na.

Umapela naman ang opisyal sa nasasakupan na sumunod muna sa panuntunan ng ECQ hangga’t hindi pa bumaba ang mga tinamaan ng COVID-19.

Facebook Comments