3 NPA kabilang ang Platoon Leader, Naitalang Namatay sa Nangyaring Sagupaan sa Jones, Isabela!

1055

*Jones, Isabela- *Tatlong miyembro ng New People’s Army (NPA) ang naitalang namatay sa naganap na bakbakan ng 86th Infantry Battalion, 5th ID, PA at NPA noong May 8, 2019 ng madaling araw partikular sa Purok 7 Brgy. San Sebastian, Jones, Isabela.

Ito ang kinumpirma ni Major Noriel Tayaban, pinuno ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, Philippine Army sa naging panayam ng 98.5 RMN Cauayan sa kanya.


Kasunod ito ng ginawang pananambang ng mga NPA sa mga naka civilian na tropa ng 86th IB na bibisita sana sa kanilang Community Project sa kanilang nasasakupan na ikinasawi ni PFC Estenardo Zipagan at ikinasugat ng isa pa.

Sa naunang ulat ay dalawang rebelde lamang ang naitalang namatay at narekober ng mga kasundaluhan subalit dahil sa patuloy na hot pursuit operation sa lugar ay narekober ang isa pang bangkay ng NPA bandang hapon na ng nasabing araw.

Ayon kay Major Tayaban, nakilala ang isa sa mga nasawi ang Platoon leader na si Ace Espinosa alyas “Ka Brando” na taga bayan ng Dinapigue, Isabela habang inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang narekober na bangkay ng NPA upang maipaalam na rin sa pamilya.

Dagdag pa ni Major Tayaban, posibleng marami pa sa mga nakasagupaang rebelde ang nasugatan dahil na rin sa dami ng dugo na nagkalat sa pinangyarihan ng engkuwentro.

Samantala, mas lalo pang pinaigting ng pamunuan ng 5th ID ang seguridad at pagbabantay sa buong lambak ng Cagayan lalo na sa bayan ng Jones na kabilang sa hotspot area ngayong May 13 midterm elections.

Facebook Comments

From Advertisers