Nasawi sa pakikipaglaban sa pinagsanib na pwersa ng militar at pulis ang tatlong miyembro ng New People’s Army (NPA) na kabilang sa grupo na responsable sa pagpapasabog ng landmine sa Masbate City na ikinamatay ng dalawang sibilyan at ikinasugat ng menor de edad.
Ayon kay Southern Luzon Commander Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., naka-enkwentro ng mga tropa ng Scout Platoon ng 9th Infantry Division ng Philippine Army at Philippine National Police (PNP) ang tinatayang 30 NPA sa Brgy. Anas, Masbate City kaninang alas-5:30 ng umaga.
Ang grupo ng NPA ay pinamumunuan ng isang Arnold Rosero alyas Star.
Umabot sa 15 minuto ang sagupaan bago nagsitakas ang mga nakalabang NPA.
Narekober ng tropa sa encounter site ang labi ng tatlong NPA, 3 M-16 rifles at isang M-14 rifle.
Nagpapatuloy naman ang pursuit operations ng militar at pulis sa mga nalalabing miyembro ng teroristang grupo.